Ang mabuting kaibigan ay handa sa pagdamay
Sa anumang labanan, handa siyang mamatay
Para sa kanya, ikaw’y higit pa sa kanyang buhay
Handa siya sa anuman, huwag ka lang malumbay.
Magkasalo kayo sa mga piging at inuman
Magkasama kayo kahit sa mga kalokohan
Kahit sikreto ninyo’y alam nyong magkaibigan
At sumumpa pa kayong walang iwanan sa laban.
Nagkakausap, nagkakasama, sadyang makulay
Pag isinulat na ang inyong mga talambuhay
Ngunit siya’y dapat mo lang pakiharapang tunay
Pagkat mabuting kaibigan, masamang kaaway.
Dahil alam niya ang likaw ng iyong bituka
At ang lahat ng baho nyo’y alam ng isa’t isa
Pag kayo’y nagkagalit, tiyak matindi ang gera
Titiyakin nyong wala nang buhay pang matitira.
Ganyan katindi kung maglaban ang magkaibigan
Kung sila’y sadyang magkakagalit na ng tuluyan
Kaya bago mangyari iyon, dapat pag-usapan
Ang anumang problema’t sila’y magkaunawaan.
Tutal, magkakilala na sila nuon pang una
At tiyak alam nila ang galaw ng bawat isa
Ngunit mas maiging may mamagitan sa kanila
Nang ito’y humantong sa magandang pagpapasiya.
No comments:
Post a Comment